-- Advertisements --

Paiigtingin pa lalo ng PNP ang paglilinis sa kanilang hanay matapos ang naging pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na napakatalamak raw ang korapsyon sa pulisya.

Sa isang panayam, sinabi ni PNP officer-in-charge Lt. Gen. Archie Gamboa, naglatag sila ng mga programa para sa internal cleansing upang matuldukan na ang mga alegasyon ng katiwalian laban sa kanilang mga miyembro.

Katunayan, ayon kay Gamboa ay mahigit sa 280 tiwaling mga pulis na ang nasisibak sa serbisyo mula Oktubre 2019 nang umupo ito sa puwesto.

Patuloy din ang kanilang koordinasyon kay Interior Sec. Eduardo Año, na siyang binigyan ng Pangulong Duterte ng kapangyarihan na pangasiwaan ang PNP upang maituwid ang korapsyon.

Sinabi pa ng heneral na nais niya raw “i-trim down” ang regulatory functions ng PNP na siya raw pinag-uugatan ng katiwalian, gaya ng traffic enforcement.

Itinutulak din umano ni Gamboa na dapat ay 15 araw lamang ang haba ng summary hearing procedures upang litisin ang mga pasaway na pulis at maparusahan ang mga mapapatunayang guilty sa dismissal, imbis na reassignment.

Una rito, sinabi ni Pangulong Duterte na isa sa pinakamalaking problema ng PNP ang “embedded corruption” sa isipan ng ilang mga pulis.

Matatandaang dinoble ng Punong Ehekutibo ang sahod ng mga tauhan ng pulisya sa paniniwalang maiiwasan na ang korapsyon sa kanilang hanay.