Tiniyak ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar na palalakasin pa ng Pambansang Pulisya ang kanilang ugnayan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamamagitan ng pagpapaigting sa intelligence information sharing laban sa kampanya sa loose firearms.
Ito’y kasunod sa pagkaka-aresto sa isang pulis at dalawang sundalo dahil sa kasong gunrunning.
Nakilala ang naarestong pulis na si Pat. Eliver Jay Anggot Soverano na naka-assign sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Regional Crime Laboratory.
Habang ang dalawang sundalo ay sina Army Staff Sgt Glenn Sangyao at SSgt Reynaldo Dichosa II pawang naka-assign sa 6th Infantry Division, kasama ang dalawang sibilyan na sina Datu Morjan Kunakon Tumindig at Adams Tumindig.
Naaresto ang limang suspeks ng mga tauhan ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station sa ikinasang buy-bust operation kung saan isang pulis ang nakipag transaksiyon sa mga suspeks.
Nakumpiska sa mga ito ang isang 5.56 mm Bushmaster rifle, dalawang 5.56 rifle, isang M4 Carbine, dalawang cal. 45 pistols at tatlong 9mm pistols.
Siniguro naman ni PNP Chief na sasampahan ng kasong criminal at administratibo ang nahuling pulis maging ang dalawang sundalo.
Pinuri ni Eleazar ang Datu Odin Sinsuat PNP sa kanilang pinaigting na kampanya laban san loose firearms.
Naniniwala si Eleazar na ang mga nasabing loose firearms ay posibleng magamit pa sa nalalapit na halalan sa 2022.