Patuloy na hinahanap ng Philippine National Police (PNP) ang dalawa pang suspek sa pagkidnap at pagpatay sa Filipino-chinese businessman na si Anson Que at driver nito na si Armanie Padillo.
Ayon kay PRO III Director at Spokesperson PBGen. Jean Fajardo, hinahanap na ng kanilang hanay ang dalawa pang suspek na sangkot rin sa kidnapping case ni Que na tinukoy bilang mga purong chinese nationals.
Aniya, ang dalawang chinese nationals na ito ay kinakategorya bilang mga principals ng krimen at hindi lamang basta may kinalaman sa insidente.
Samantala, kinumpirma rin ni Fajarado na ang dalawang chinese nationals na ito ay kasama rin mismo ng isa sa mga suspek na si David Tan Liao sa pagkidnap at kasama rin sa bahay kung saan itinago ni Liao ang mga biktima bago ito walang habas na paslangin.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng PNP sa naturang kaso upang matunton ang mga pinaglalagian ng mga suspek kung saan isa na dito ay ang babaeng naging tulay para imbitahin ang mga biktima sa lugar na pinangyarihan ng krimen.