Makikiisa ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa “Brigada Eskwela” ngayong taon.
Ayon kay NCRPO chief Major Gen. Guillermo Eleazar, all set na sila para tumulong sa paglilinis sa mga eskwelahan sa kalakhang Maynila.
Ipinag-utos na rin ni Eleazar sa lima nitong mga district directors na mag-ikot sa mga eskwelahan at tumulong na maglinis at tiyakin ang seguridad.
Inihayag ng heneral na bukod sa paglilinis, magbibigay din ng mga painting materials ang NCRPO para sa weeklong Brigada Eskwela activity ng Department of Education (DepEd).
Nasa full alert status naman ang NCRPO bilang bahagi ng security preparations ng PNP para sa pagbubukas ng klase sa mga eskwelahan at at mga universities sa Metro Manila sa darating na June 3.
Siniguro ni Eleazar ang police visibility sa mga vicinity ng mga eskwelahan para maiwasan na mabiktima ang mga estudyante sa mga kriminal gaya ng pickpocket at mga snatchers.
Magde-deploy din ang NCRPO ng mga police marshals para i-secure ang mga pasahero na sasakay ng mga bus, UV express, taxi at mga jeep.
Samantala, sa kauna-unahang pagkakataon, makikiisa rin ang PDEA sa Brigada Eskwela.
Batay sa inilabas na memorandum ni PDEA Director Gen. Aaron Aquino, ipinag-utos nito sa lahat ng kaniyang mga regional directors sa buong bansa na aktibong makiisa sa Brigada Eskwela.
Ayon kay Aquino, naglaan ng tig-P5,000 pondo ang PDEA para sa lahat ng mga regional offices para sa pambili ng mga gagamitin sa paglilinis at beautification materials para sa naturang proyekto.