ROXAS CITY – Kagaad na ni-release ng mga otoridad ang isang fish vendor na nahuli sa isinagawang drug buy bust operation ng Dumalag Municipal Police Station at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Barangay Santo Angel, Dumalag, Capiz.
Ito ay kasunod ng pagkakadiskubre na hindi pala shabu ang narekober sa naarestong si Nelson Nicolas, 22, at posibleng ito’y tawas lamang o dinurog na kendi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay Senior Inspector Pedro Goldino Diocson, hepe ng Dumalag PNP, inihayag nito na matapos isinailalim sa eksaminasyon ang nakuhang tatlong sachets ng diumano’y shabu kay Nicolas, lumabas sa resulta na negatibo ito sa methamphetamine hydrochloride.
Ngunit nanindigan si Diocson na matunog ang pangalan ni Nicolas na tulak ng iligal na droga at kanila rin itong isinailalim sa surveillance at validation.
Posible aniyang tawas o dinurog na kendi ang laman ng naturang mga sachets na isa sa mga istratehiya ni Nicolas sa panloloko ng kaniyang mga ka-transaksiyon.