Naniniwala ang liderato ng Philippine National Police (PNP) na na-intimidate ang kanilang mga tauhan sa pakikialam ng tatlong abugado ng Time in Manila Bar sa trabaho ng mga ito kaya sila inaresto.
Bukod sa kasong obstruction of justice sinampahan din ng PNP ng constructive possession of illegal drugs ang tatlo.
Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, ngayon lang daw sila nakapagsampa ng ganung kaso at maaring may compelling reason na nakita ang mga pulis kaya nila sinampahan ng kaso ang tatlong attorney.
Tinawanan lamang ni Albayalde ang hirit ng Commission on Human Rights na nakakaalarma ang ginawa ng mga pulis na pag aresto sa tatlong abugado.
Banat ni PNP chief na mas nakakaalarma ay ang pakikialam ng mga abugado sa trabaho ng mga pulis.
Mensahe ni Albayalde na wala silang problema sa mga abugado dahil batid ng PNP na ginagawa lamang ng mga ito ang kanilang trabaho.
Pero sa sandaling makikialam ang mga ito sa trabaho ng mga pulis tiyak wala raw sasantuhin ang mga pulis.