-- Advertisements --

Kinumpirma ng PNP na may isa na umanong namatay na kabilang sa 61 PNP personnel na naturukan ng kontrobersyal na Dengvaxia vaccine.

Ayon kay S/Supt. Reimound Sales, chief ng PNP General Hospital, pneumonia ang sanhi ng pagpanaw ng isang PNP utility worker na kasama sa mga nabakunahan.

Ani Sales, ang mga nabanggit na tauhan ng PNP ay nagpakonsulta pa sa PNP General Hospital matapos makaranas ng mga sintomas ng pananakit ng katawan, ubo, sipon at lagnat.

Nilinaw ni Sales na wala pang katiyakan kung may direktang koneksyon sa Dengvaxia ang pagkakasakit ng mga naturang PNP personnel, bagama’t patuloy pa rin nila itong mino-monitor.

Nabatid na noong Disyembre noong nakaraang taon naturukan ng nasabing anti-dengue vaccine si John Rey Pintor na dumaing ng pamamaga ng lalamunan at pananakit ng katawan bago ito tuluyang sumakabilang buhay noong buwan ng Enero.

Sa kabuuan, nasa 4,445 PNP personnel ang naturukan ng Dengvaxia sa lahat ng Regional Health Service sa bansa.

Nabatid na 442 dito ay galing sa Region 1; 524 mula sa Region 3; 539 sa Region 4; 1,319 sa NCRPO; 297 sa ARMM; 388 sa SAF; 12 sa AVSEC Group at 934 sa PNP-GH.

Pahayag naman ni PNP Health Service Director S/Supt. Ma. Antonietta Langcauon, batay sa kanilang monitoring, may dalawang pasyente ang nagpakita ng sintomas ng acute appendicitis at ang utility worker na may pneumonia.
Last edited by Bombo Bam on Thu Mar 01, 2018 7:39 pm, edited 1 time in total.