NAGA CITY – Naka-full deployed na ang mga tauhan ng PNP sa lungsod ng Naga para sa pagpapatupad ng panuntunan kaugnay ng Modified Enhanced Community Quarantine.
Sa pahayag ni PCol Marlon Catan, City Director ng Naga City Police Office, sa pagharap nito sa mga kagawad ng media, sinabi nito na mayroong nasa 450 na mga personahe ng kapulisan ang hinati para magbantay sa iba’t-ibang barangay sa lungsod.
Aniya, 24 oras ang kanilang pagbabantay sa mga checkpoints at pagpapatrolya upang matiyak na nasusunod ang mga guidelines sa ilalim ng MECQ.
Sa pamamagitan din umano nito ay mapapanatili pa rin ang pase orden sa naturang lungsod.
Kaugnay nito, kung sakali man na mayroong lumabag sa naturang mga guidelines, hindi umano ang mga ito magdadalawang-isip na hulihin ang mga ito.
Samantala, sa likod ng mga ilang nadadakip na mga violators, binigyang-diin ng opisyal na manageable pa rin ang sitwasyon sa lungsod ng Naga.
Sa ngayon, panawagan ng opisyal ang patuloy na pagsunod sa mga health protocols at koopersyon ng publiko sa paglaban sa COVID-19 pandemic.