Kinumpirma ng pamunuan ng Philippine National Police na pinag-aaralan na nila ngayon ang mga kaso na posibleng ihain laban sa Kingdom of Jesus Christ.
Ginawa ng pulisya ang pahayag kasunod ng isinagawang paghahain nito ng arrest warrant sa compound nito sa lungsod ng Davao.
Kung maaalala, nagkagirian ang hanay ng pulisya at mga miyembro ng KOJC dahil sa pagpasok ng pulis sa naturang lugar.
Isisilbi kasi ng PNP ang alias warrant of arrest laban kay Pastor Apollo Quiboloy at iba pang kapwa akusado nito.
Ang kaso na kanilang pinag-aaralan ay may kinalaman sa dalawang biktima ng human trafficking na nailigtas sa loob ng KOJC compound.
Kaugnay nito ay inatasan na ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil si Davao Police Regional Office (PRO) Director Police Brig. General Nicolas Torre III na tukuyin kung may iba pang kaparehong kaso sa naturang lugar.
Hinimok rin ng PNP Chief ang mga biktima at kanilang pamilya na magsumbong at samantalahin ang presensya ng mga pulis sa lugar.
Una nang sinabi ng PNP na hindi sila aalis sa lugar hanggat hindi natatapos ang kanilang paghahanap sa mga akusado .