ILOILO CITY- Ipinag-utos na ni Police Regional Office VI director Police Brigadier General Leo Francisco sa lahat ng mga provincial at city directors sa Western Visayas na magsagawa ng threat assessment sa lahat ng local officials sa kanilang nasasakupan.
Ito ay bilang pagsunod sa utos ni General Rodolfo Azurin, Jr., chief ng Philippine National Police, sa lahat ng police commanders kasunod ng ambush sa service road ng Roxas Boulevard sa Pasay City kung saan sugatan ang alkalde ng Datu Montawal, Maguindanao del Sur nga si Ohto Caumbo Montawal.
Ito ay ang pangatlong atake sa mga opisyal ng gobyerno sa buwan ng Pebrero.
Noong Pebrero 17, inambush sa boundary ng Lanao del Sur at Bukidnon si Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong Jr. kung saan sugatan ito at patay naman ang apat niyang security officers.
Sinundan ito ng ambush sa Nueva Vizcaya kung saan patay si Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda at limang kasamahan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Francisco, sinabi nito na maging ang mga barangay officials ay bibisitahin din ng mga unit commanders.
Kinumpirma ni Francisco na sa Western Visayas, mayroon ang local officials na binigyan ng karagdagang seguridad ngunit hindi niya ito pinangalanan.