-- Advertisements --

deped pilot classes

Tiniyak ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar na handa ang PNP na umalalay sa pagbubukas ng face-to-face classes sa susunod na buwan sa mga piling pampubliko at pribadong paaralan.

Ayon sa PNP Chief, inatasan na niya ang mga kinauukulang unit commanders na makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga lokal na tanggapan ng Department of Education (DEPED) at Commission on Higher Education (CHED), para alamin kung paano makakatulong ang PNP.

Ayon kay Education Secretary Leonor Briones 90 pampublikong paaralan ang pinahintulutan na magsagawa ng pilot run ng face-to-face classes simula Nobyembre 15.

Habang 20 pribadong paaralan naman ang kinukunsidera para magsimula ng face-to-face classes sa Nobyembre 22.

Sinabi ng Eleazar na suportado ng PNP ang unti-unting pagbabalik sa normal ng situasyon sa bansa.

Kaugnay nito, patuloy aniya ang PNP na nakatutok sa kaligtasan ng bawat isa, hindi lang sa banta ng COVID kundi pati na rin sa iba pang banta sa seguridad ng mga guro at estudyante.