Lalo pang pinalakas ng Philippine National Police ang kanilang mga operasyon laban sa mga counterfeit at smuggled na sigarilyo.
Ito ang naging mandato ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa kanyang mga tauhan.
Batay sa datos ng Bureau of Internal Revenue, aabot sa a P25.5 billion revenue ang nawala sa gobyerno noong nakaraang taon dahil sa nasabing produkto.
Ayon kay Gen. Marbil, inatasan na niya ang lahat ng mga concerned police units para palakasin ang paghabol nito sa mga peke at smuggled cigarettes sa bansa.
Naniniwala rin ang opisyal na isang seryosong banta sa kalusugan ng publiko ang ganitong mga produkto.
Aniya, ang mga pekeng sigarilyo ay hindi dumaan sa mga kinakailangang pagsusuri sa epekto sa kalusugan at kontrol sa kalidad.
Kung maaalala, kamakailan ay iniulat ng BIR ang pagbaba ng kanilang kita mula sa excise taxes ng P25.5 bilyon noong nakaraang taon at P6.6 bilyon sa taong ito dahil sa illicit cigarette trade.
Hinimok din ni Marbil ang publiko na manatiling mapagmatyag at iulat ang kahina-hinalang pagbebenta at pamamahagi ng mga peke at smuggled na sigarilyo sa kanilang mga lugar.