-- Advertisements --

Pinapakilos na ng Philippine National Police (PNP) ang assets nito para mapigilan ang mga insidente ng kidnapping o pagdukot sa mga Chinese national sa bansa.

Ginawa ni PNP chief Gen. Rommel Marbil ang pahayag ngayong Biyernes kasunod ng pakikipagpulong niya sa mga miyembro ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry. Inc. matapos ang pagpatay sa negosyanteng Chinese na si Anson Que.

Sa isang statement, sinabi ni Gen. Marbil na labis silang nababahala sa insidente at hindi aniya sila titigil hanggang hindi nareresolba ang mga kaso ng pagdukot sa mga Chinese. Pinapakilos na rin aniya ang lahat ng kanilang investigative assets at ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya para matiyak na hindi na mauulit pa ang naturang insidente.

Umapela din ang PNP chief na kumalma at magkaisa. Hindi din aniya inilalarawan ng isolated incidents na ito ang ating bansa bagkus ay ang kolektibong paninindigan para sa pagpapatibay ng rule of law at pagprotekta sa lahat ng mamamayan na naninirahan at may negosyo sa Pilipinas.

Ang kaso ng pinaslang na Chinese ay ang ikatlong insidente ng kidnapping sa Chinese nationals sa loob ng mahigit isang buwan.

Una ay ang 14 anyos na estudyanteng Chinese na dinukot mula sa kaniyang eskwelahan sa Taguig city at ikalawa ay ng pagdukot sa isang food kiosk owner na Chinese sa Maynila.