Muli nanamang pinatunayan ng mga tauhan ng Philippine National Police ang kanilang slogan na ‘ To serve and Protect’.
Ito ay matapos na tumulong ang ilan sa kanilang mga tauhan sa pagsasagawa ng rescue and retrival operations sa kasagsagan ng bagyong Kristine bilang paggaganap sa kanilang tungkulin.
Sa isang pahayag, sinabi ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil, buong puso at tapang na sinuong ng kanilang mga tauhan ang panganib para sa pagprotekta ng kanilang kapwa sa oras ng kalamidad.
Aniya, ito ay sa kabila ng katotohanan na maging sila ay apektado rin ng kalamidad.
Batay sa datos, aabot sa apat na libong tauhan ng pulisya ang ideneploy sa lugar na matinding naapektuhan ng bagyo.
Kabilang sa mga lugar kung saan nakakalat ang kanilang mga tauhan ay Bicol at Eastern Visayas.
Kaugnay nito ay pumalo na sa mahigit 300,000 indibidwal ang tinulungang ilikas ng mga pulis at ligtas na naihatid sa mga itinalagang evacuation areas.