Pinaplano ng Philippine National Police (PNP) na gamitin ang mga security guard bilang intelligence operatives bilang pagpapabuti sa kaligtasan ng publiko.
Katwiran ni PNP Civil Security Group (CSG) director Maj. Gen. Edgar Alan Okubo, maaaring maging katuwang ng kapulisan ang mga security guard sa intelligence gathering at magsilbi rin bilang mga force multipliers.
Iginiit ng heneral na ginagampanan ng mga ito ang mahalagang papel na pagsiguro sa kaligtasan at seguridad ng mga paliparan, commercial establishment, at iba pang pangunahing mga pasilidad.
Bahagi aniya ang mga ito ng komprehensibong security framework ng pamahalaan, kasabay ng kanilang pagtiyak sa seguridad ng mga binabantayang pasilidad.
Kasabay nito ay plano ng PNP na magsagawa ng Basic Information Collection and Analysis Seminar (BICAS) para sa mga pribadong security agencies kung saan nakatakdang dumalo rito ang 575,000 security guard sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Ang naturang seminar ay dati nang isinagawa sa Kampo Krame kung saan mahigt 30 security agencies ang dumalo.