Posibleng mayroon nang failure of intelligence sa panig ng Philippine National Police (PNP) kaya’t bigo pa ring matukoy ang kinaroroonan ni Kingdom of Jesus Christ Leader Pastor Apollo Quiboloy.
Ito ang sinabi ni Senate Committee on Women Chairperson Senadora Risa Hontiveros kaya naman muling nanawagan si Hontiveros kay PNP chief Rommel Francisco Marbil na doblehin ang pagkilos para sa agarang pag-aresto kay Quiboloy na inisyuhan na ng tatlong warrants of arrest.
Muli ring binigyang-diin ni Hontiveros sa pambansang pulisya na kanselahin ang lisensiya ng mga armas ni Quiboloy matapos kumalat ang mga litrato at video sa social media habang nagsasanay ang private army nito.
Iginiit ni Hontiveros na may private army na handang kumilos upang protektahan ang lider ng Kingdom of Jesus Christ.
Nangangahulugan aniya ito na banta na si Quiboloy sa peace and order sa Pilipinas.
Mungkahi pa ng senador, dapat mag-step up na ang PNP bilang respeto sa mga arrest warrant na inilabas ng korte at ng Senado laban kay Quiboloy.