Ipinagmalaki ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang pagtaas ng kanilang Crime Solution Efficiency (CSE).
Mula kasi 56 percent noong nakaraang taon, ngayon ay tumaas ito ng 60.33 percent.
Ayon kay PNP Spokesperson C/Supt. Dionardo Carlos, indikasyon lamang ito na hindi tinutulugan ng mga pulis ang pagresolba sa mga kaso ng krimen lalo na ang extra-judicial killings (EJK).
Bukod sa tumaas ang CSE ng PNP, nag-improve rin ang kanilang Crime Clearance Efficiency (CCE) mula 69 percent tungo sa 73.68 percent.
Dahil sa mga nasabing improvement ng CSE Aat CCE, patunay daw ito na walang patid ang mga hakbang at imbestigasyon ng PNP para maresolba ang crime cases.
Malinaw din ito na seryoso ang PNP sa pagresolba sa mga kaso kung saan may mga suspek na naaresto, nakulong, nasampahan ng kaso, at pino-prosecute sa korte.
Sa kabilang dako, muling binigyang-diin ni Carlos na kaisa ng sambayanan ang PNP sa pagnanais na buhay na maaresto ang mga nahuhuling drug suspect.
Reaksyon ito ng PNP sa lumabas na SWS survey na 90 percent ang nagsasabi na mahalaga na buhay ang mga drug suspect na nadadakip ng mga pulis sa operasyon.
Kanila umanong pinapahalagahan ang Right to Life kaya patunay dito ang bilang na nahuli ng PNP sa isinagawa nilang operasyon.
Aniya, sa 71,393 anti-drugs operations ng PNP, nasa 109,090 ang naarestong drug offenders na mga buhay.