Puspusan na ang paghahanda at pagbabantay ng Philippine National Police (PNP) para sa nalalapit na eleksyon ngayong Mayo.
Ayon kay PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil, kung dati ay nakasentro lang sila sa 3Gs o Guns, Goons and Golds, ngayon ay isasabay na nila sa Goons ang mga pulis at sundalo na mahuhuling nagpapa-impluwensiya o nagpapagamit sa mga politiko.
Ayon kay Marbil, sa oras na malaman nila kung sino ang mga pulis na ito ay sisiguruhin nilang hindi na ito mapo-promote at posible pang ma-dismiss sa serbisyo.
Babantayan din ng pambansang pulisya ang anu mang uri ng vote buying lalo na ang mga gagamit ng gcash o online transactions.
Dagdag pa rito, sisentro din ang PNP sa pagbabantay sa fake news dahil posibleng magkaroon daw ito ng malaking epekto sa magiging desisyon ng mga botante.
Binigyang diin ni Marbil na gusto nila makuha ang respeto ng tao at malaman ng mga ito na mananatiling apolitical ang hanay ng pambansang pulisya.