NAGA CITY- Bumuo na ng Special Investigation Task Group (SITG) ang Quezon Police Provincial Office (QPPO) na matutok sa kaso ng pamamaslang sa incumbent Vice Mayor ng San Andres, Quezon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay P/Col. Audie Madrideo, Provincial Director ng PNP-Quezon, sinabi nitong may Task Force na aniyang gagalaw para sa mabilisang pagresolba ng naturang krimen.
Ayon kay Madrideo, may mga nakakita sa pangyayari lalo na ang mismong anak ni Vice Mayor Sergio “Popoy’ Emprese na nakita nang malapitan ang mukha ng suspek.
Sa ngayon, ayon kay Madrideo hindi pa aniya nila masasabi kung tungkol sa pulitika ang motibo sa naturang pamamaslang o may iba pang anggulo sa krimen.
Nabatid na kagabi lamang ng pinasok ng gunman ang bahay ng bise alkalde sa lungsod ng Lucena at binaril ito sa ulo na naging mitsa ng kanyang kamatayan.
Napag-alaman ding bagama’t si Emprese ang nanalong Vice Mayor sa San Andres ngunit hindi pa ito nakakaupo matapos magpalabas ng suspension order ang Ombudsman laban dito.