Umapela ang Philippine National Police (PNP) sa mga manunuod ng 30th Southeast Asian (SEA) Games na iwasan magbitbit ng mga cheering materials na naglalaman ng mga racist at salitang pang-iinsulto.
Hindi kasi isinasantabi ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang posibilidad na magkaroon ng tensyon sa pagitan ng fans at players sa sporting events.
Ayon kay NCRPO Director PBGen. Debold Sinas, isa ito sa kanilang pinaghahandaan pagdating sa seguridad dahil mayroong mga nadadala ng emosyon sa kumpetisyon na pwedeng pagsimulan ng gulo.
Hinimok naman ni Sinas ang mga manunuod ng SEA Games, makiisa sa organizers ng event at mga pulis.
Pinaalalahanan din ng heneral ang mga ipinagbabawal na gamit na dalhin sa loob ng mga gaming venue partikular ang mga matatalas na bagay at iba pang nakakamatay na gamit.
Sinabi ni Sinas na bukod sa regular na presensya ng mga pulis ay magtatalaga din sila ng anti-riot cops sa nasabing mga lugar bilang precautionary measure sa mga hindi inaasahang pangyayari.
Nabatid na ilan lang sa sporting event na gaganapin sa Metro Manila ang basketball na gagawin sa Mall of Asia Arena sa Pasay City; ang football games naman sa Rizal Memorial Football Stadium sa Maynila; at volleyball sa Philsports Arena sa Pasig.