Tiniyak ng pamunuan ng Phililippine National Police (PNP) na nakahanda naman sila sakaling sa PNP Custodial Center sa Kampo Crame ikukulong si Sen. Antonio Trillanes IV.
Ayon kay PNP Spokesperson S/Supt. Benigno Durana, nakadepende sa desisyon ng korte kung saan sakaling ikulong ang senador.
Sinabi ng opisyal ang pagkuha ng mugshots at iba pang booking procedure ay nakasalay sa kautusan ng korte.
“First of all that would depend on the decision of the court that took cognizance of that case in question. ‘Yun yata yung RTC Branch 148 of Makati so it depends on the decision of the court but the PNP should always be ready if we are ordered to do so by the court,” pahayag ni Durana.
Sinabi ni Durana na ang presensiya ng CIDG team sa senado ay nagsisilbing suporta sa mga miyembro ng military police.
Nakadepende din sa desisyon ng Team Leader ng PNP CIDG kung sila ay mananatili pa rin sa Senado.
Ito ay sa kabila ng kautusan ng Makati RTC na sa September 13 pa ang pagdinig sa petition ng Department of Justice para sa kahilingang Alias Warrant at Hold Departure Order para sa mambabatas.
Sinabi ni Durana na ang CIDG ang may expertise sa pagsisilbi ng mga warrant kaya kinailangan sila sa Senado upang tulungan ang mga sundalo.
Una nito ay kinuwestyon ng mga senador kung bakit nasa mataas na kapulungan ng Kongreso ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group na wala naman silang dalang warrant para kay Trillanes.