-- Advertisements --

Iniutos ni PNP chief PDGen. Oscar Albayalde ang pagpapakalat ng “red teams” para silipin daw ang mga pulis na nakadeploy sa iba’t ibang election precincts sa buong bansa.

Layon nito na masiguro na sumusunod ang naturang mga pulis sa direktiba na maging non-partisan sa halalan at ginagawa ng tama ang kanilang trabaho sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.

Sinabi ni Albayalde na mag-iikot din siya ngayong araw na ito sa Metro Manila para kumustahin ang mga pulis na nakabantay sa mga presinto.

Inaasahan daw niya na makakita ng dalawang pulis sa bawat presinto, o nasa bisinidad lang ng 50 metrong layo mula sa polling precinct.

Nauna rito, nasa 1,900 pulis na may mga kamag-anak na tumatakbo sa halalan sa kanilang lugar ang nilipat ng puwesto para hindi makapang-impluwensya sa botohan.

Sa kabuuan ay mahigit 160,0000 pulis mula sa kabuuang 190 libong pwersa ng PNP ang naka-deploy sa field ngayong araw para siguruhing maayos at mapayapa ang halalan.