DAVAO CITY – Nakipagpulong na ang Police Regional Office 11 sa mga school heads ng mga pangunahing kolehiyo at unibersidad sa Davao Region upang palakasin ang kanilang kampanya laban sa hazing.
Ibinunyag ni PRO 11 spokesperson Police Major Eudisan Gultiano na kahit pa isang isolated case lamang ang nangyaring insidente nitong Setyembre, patuloy parin ang pagpapalakas ng ahensya sa kanilang information dissemination sa mga tertiary institutions lalong lalo na sa usaping may kinalaman sa kung ano ang posibleng haharapin ng mga estyudyanteng kasapi ng isang fraternity at sorority sa ilalim ng Republic Act No. 8049 o Anti-Hazing Act of 1995.
Nagpahayag din ng suporta ang kapulisan sa mga grupo na kontra rin sa hazing tulad ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo.
Sa kabilang banda, nagpahayag ng saloobin ang presidente ng Holy Cross of Davao College na si Bro. Noelvic Deloria kung saan sinabi nito na kailangang magkaroon ang bawat paaralan ng sistematikong pamamahala ng office of student affairs upang mabilis na mailapit ng mga estudyante ang kanilang mga hinaing sa kanilang kapwa estudyante na napapabilang sa mga student leaders ng kanilang institusyon.
Kinumpirma rin ni DCPO Director PCol. Alberto Lupaz na kinasuhan na ang mga suspek na kasama umano sa mga nakapatay sa isang college student ng isang unibersidad sa Davao City matapos isinagawa ang isang initiation nitong Setyembre 18, at kasalukuyan pa ring at large o pinaghahanap ng pulisya ang iba pang mga kasapi ng Alpha Kappa Rho Fraternity – Alpha Delta Chapter.