GENERAL SANTOS CITY – Matapos na bigong mahanap si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy sa Sitio Kitbog, Poblacion, Sarangani Province mas paiigtingin at palalawakin pa ng Police Regional Office(PRO) 12 ang kanilang paghahanap laban sa pastor.
Ito’y matapos pinangunahan ni Brigadier General Percival Augustus Placer, Regional Director ng PRO-12 ang pagsisilbi ng warrant of arrest noong Hunyo 10 laban kay Quibuloy sa pagpunta sa liblib na kabundukang bahagi ng Sitio Kitbog.
Layunin nito na arestuhin si Quibuloy at limang kasamahan sa kasong sexual abuse, child abuse, human trafficking, violence, at misconduct na inihain sa dalawang korte sa Davao at Pasig.
Ito ay matapos mapaghinalaang nagtatago si Quibuloy sa loob ng ginawa niyang compound sa nabanggit na lugar na binabantayan ng mga supporter na miyembro ng tribung Blaan.
Kasama ni General Placer at PCol. Deanry R. Francisco, Provincial Director ng Sarangani Police Provincial Office sina Malungon Mayor Teresa Constantino at dating Mayor Reynaldo Constantino na pumasok sa lugar ngunit hindi nakita si Pastor Quibuloy.
Pagpasok nila sa compound, hindi sila hinarang ng mga tagasuporta ni Quibuloy habang isinasagawa ang paghahanap sa wanted person.
Dahil hindi nakita sa lugar ang kanilang hinahanap, umalis ang buong tropa at bumalik sa Kalonbarak at doon nagsagawa ng briefing.
Matatandaang ang Bombo Radyo Gensan Team ang unang media outlet na umakyat sa lugar para malaman kung nandoon si Quiboloy.
Sa panayam kay Joel Santos, lider ng Kitbog Blaan Community, mariin nitong itinanggi na nasa kanilang lugar ang puganteng pastor.