CAUAYAN CITY – Nakipag-ugnayan na ang pamunuan ng Police Regional Office (PRO-2) sa DOH Region 2 upang iapela ang pagbibigay prayoridad sa hanay ng pulisya sa rehiyon sa pagsailalim sa RT PCR at swab test .
Kasunod ito ng pagpositibo sa CoVID-19 ng limang pulis ng Tuguegarao City Police Station.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay B/Gen. Crizaldo Nievez, regional director ng PRO-2, sinabi niya na nakipag-ugnayan na siya kay Dr. Rio Magpantay, ang regional director ng DOH Region 2 para sa pagbibigay ng tulong sa mga kapulisan pangunahin na ang mga frontliners.
Naniniwala ang regional director na mainam na isailalim sa RT PCR swab test ang mga kapulisan kaya nakipag-ugnayan na rin siya sa Red Cross at iba pang ahensya.
Mayroon aniyang binuong Medical Task Force ang tanggapan na nagbibigay ng payo kaugnay sa mga health protocols sa mga kapulisan ng rehiyon na nagtutungo sa bawat himpilan ng pulisya.
Kaugnay nito, namamahagi rin sila ng face mask, face shield at personal protective equipment (PPE).
Ayon kay Gen. Nievez, malaking tulong din ang pagkakaroon ng diary na talaan ng mga nakausap at pinuntahang lugar ng kanilang personnel.