Nanawagan ang pamunuan ng PNP sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na tigilan na ang paggamit sa mga tribo lalo na sa Mindanao upang isulong ang pakikibaka laban sa gobyerno.
Ayon kay PNP chief Oscar Albayalde, sinasamantala umano ng NPA ang kawalan ng kakayahan ng mga nasa tribo.
Sinabi ni Albayalde, patunay ang pananamantala ng rebeldeng grupo sa mga turo nila sa mga Salugpungan Learning Centers kung saan pangunahin daw na itinuturo rito ay ang pag-aalsa kontra sa pamahalaan.
Mismong mga lider ng mga Tribong Lumad na nagtungo sa Camp Crame ang nagsumbong sa ginagawa sa kanila ng NPA.
Patunay aniya dito ang sariling National Anthem ng NPA sa halip na ang Pambansang Awit ng Pilipinas ang itinuturo sa nasabing Lumad School.
Magugunitang sinara ng militar ang Salugpungan School dahil sa mga nakuhang ebidensiya na ang itinuturo sa mga estudyante ay kung paano makipaglaban sa gobyerno.