Pagpapaliwanagin ng Philippine National Police (PNP) ang Manila Police District (MPD) kung bakit magkaiba ang inilabas nitong bilang sa media ng pro-Duterte rallyists na nagpunta ng Plaza Miranda sa isinumite nitong report sa Camp Crame.
Batay sa datos na ibinigay ng MPD sa media, umabot umano sa 15,000 ang bilang ng mga pro-Duterte sa Quiapo.
Sa inilabas na report kasi ng national headquarters, nasa 7,000 lang ang naitala nila sa Plaza Miranda.
Ayon kay PNP Deputy Spokesperson Supt. Vimellee Madrid, iimbestigahan nila kung bakit hindi nagtutugma ang mga inilabas na numero ng MPD.
Sisilipin din aniya nila ang drone shot ng pulisya sa Plaza Miranda para beripikahin ang totoong bilang ng mga nagpuntang pro-Duterte roon.
Kahapon, sinabi ng MPD na umabot sa 18,000 ang pro-Duterte na nagtipon-tipon sa buong Maynila habang 13,000 naman ang mga anti-Duterte.
“Pagpapaliwanagin ang MPD kasi ang monitoring natin is based sa Camp Crame tapos meron tayong downline na nagbigay sa atin ng info,” pahayag ni Madrid.