Pinag-iingat ng Philippine National Police (PNP) ang publiko sa paggamit ng cash ngayong holiday season dahil mainit ito sa mata ng mga kriminal.
Payo ng PNP kung maaari gumamit na lamang ng card sa kanilang pag-shopping ngayong kapaskuhan.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen Bernard Banac, ito ay upang makaiwas sa paggamit ng cash na kalimitang target ng mga kriminal.
Kung kailangan aniya na gumamit ng cash sa mga establisyemento, ay iwasan na lang ang pagdadala ng malaking halaga ng salapi.
Ang paalala ng PNP ay kasunod ng ulat na isang lalaki ang napatay ng motorcycle riding suspeks matapos na mag-withdraw ng pera sa ATM sa may Baesa na nakunan ng CCTV.
Kaugnay nito, pinaalalahanan naman ni Banac ang publiko na laging maging mapagmatyag sa kanilang paligid kung nagwi-withdraw ng pera sa ATM.
Iwasan din aniya ang pag-withdraw ng pera sa gabi at sa mga alanganing lugar, at doon na lang sa mga ATM centers sa mga mall mag-withdraw kung saan may mga malalapit na help desks ang kapulisan.
Tiniyak naman ni Banac na nakaalerto ang PNP sa panahong ito at naka-deploy ang kanilang nga tauhan sa mga places of convergence para maprotektahan ang publiko sa mga krimen na kalimitang nagaganap sa panahong ito.