CAUAYAN CITY – Patuloy ang rescue operation ng mga pulis sa mga lugar na binaha sa lalawigan ng Cagayan at Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lt. Col. Chivalier Iringan, information officer ng Police Regional Office (PRO2), sinabi niya na mayroon silang 249 na pulis na nagbabantay sa mga evacuation center sa bayan ng Gattaran, Santa Ana, Camalaniugan, Allacapan, Gonzaga, Abulog, Pamplona, Sta. Teresita, Aparri, Sanchez Mira, Lallo, Baggao, Lasam, Sto. Nino, at Claveria sa Cagayan habang sa Isabela ay sa bayan ng Roxas.
Sa lalawigan ng Cagayan aniya ay mayroon silang inilikas na 2,289 na pamilya o 7,526 na indibidwal sa mga evacuation center.
Ayon kay Lt. Col. Iringan, unti-unti ng humuhupa ang baha sa Cagayan dahil tumigil na rin ang pag-ulan.
Nagpapasalamat naman sila dahil wala silang naitatalang nawawala o nasawi dahil sa pagbaha.
Samantala, namahagi rin aniya ang kanilang hanay ng mga relief goods sa mga binaha na mula sa regional at provincial offices ng PNP sa ikalawang rehiyon.