-- Advertisements --

Nakaalerto ngayon ang lahat ng himpilan ng pulisya sa probinsiya ng Sulu at mga karatig lalawigan, sa posibilidad na maghiganti ang teroristang Abu Sayyaf, matapos maaresto ang asawa ni notorious ASG sub-leader at bomber Mundi Sawadjaan na si Fatima.

Pinalakas pa ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ang latag ng seguridad doon para mapigilan ang mga posibleng pag-atake ng bandidong Abu Sayyaf.

Naaresto noong Sabado ang asawa ni Mundi Sawadjaan na si Fatima sa Sitio Badjao Annex, Barangay Bus-Bus, Jolo,Sulu.

Batay sa report, target sa naturang operasyon si Mundi Sawadjaan ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya para pagsilbihan ng arrest warrant subalit nakatakas ito.

Ayon kay PNP chief malaking development ito lalo’t tiwala siya na ang pagkakaaresto kay Fatima ay magbibigay daan para maareto na rin si Sawadjaan at mga kasama nito.

Dahil dito pinalakas pa ng PNP ang kanilang hot pursuit operation laban kay Sawadjaan sa pakikipag tulungan sa AFP.

Si Sawadjaan ang itinuturong utak sa serye ng mga pag-atake sa Sulu at iba pang lugar sa Mindanao at pinangunahan nito ang kambal na pagsabog sa Jolo noong isang taon.

Sa isinagawang operasyon, nakuha sa bahay ni Fatima at ng kanyang mister ang isang MK2 grenade; dalawang bote na naglalaman ng pinaghihinalaang ammonium nitrate and fuel oil (ANFO) na ginagamit sa paggawa ng bomba, dalawang piraso ng detonating cord; safety fuse, at cellphone; dalawang identification card na may pangalang Elaida M Jumdail.

Kasalukuyang nasa kostudiya ng Jolo Municipal Police Station si Fatima.