(Update) LA UNION – Kinumpirma ng pulisya na maituturing na “kidnap me” scenario o fake kidnap ang natanggap nilang ulat hinggil sa pagkakadukot ng isang misis sa bayan ng Agoo, La Union at kinalaunan ay na-rescue sa lungsod ng Dagupan, Pangasinan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay P/Maj. Roy Villanueva, hepe ng Caba Police Station, sinabi nito na matapos ang isinagawang rescue operation ng iba’t ibang unit ng Philippine National Police (PNP) ay umamin umano si Adora Ramos, residente ng Sobredillo, Caba, La Union sa mga kawani ng Anti-Kidnapping Group sa Camp Crame na imbento lamang niya na ito ay nadukot.
Walang katotohanan na siya ay tinangay ng kidnapper at dinala sa isang hotel sa lungsod ng Dagupan kasunod ang paghingi ng P5 million na ransom money para sa kalaayan nito.
Naging matipid naman sa pagkukwento si Villanueva hinggil sa detalye ng pangyayari ngunit nasambit nito na may kinalaman umano sa suliranin sa pinansyal ang dahilan ng ginang sa paggawa niya ng “kidnap me” scenario.
Samantala, inaalam din ngayon ng Bombo Radyo mula sa pamunuan ng PNP kung may pananagutan ang ginang sa pag-imbento umano nito ang kuwento na siya ay na-kidnap.