Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang suporta at kooperasyon sa National Bureau of Investigation (NBI) sa gagawing imbestigasyon hinggil sa pagpaslang kay Clarin Mayor David Navarro habang nasa kustodiya ito ng mga pulis sa lalawigan ng Cebu.
Ayon kay Philippine National Police spokesman Brig. Gen. Bernard Banac, walang problema kung ang NBI na ang mag imbestiga sa kaso.
Tatalima rin aniya ang PNP sa naging kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte upang matiyak ang isang patas na pagsisiyasat.
Una rito, nagpahayag ng pagdududa ang Pangulo na mga pulis ang mga nasa likod ng pagpatay sa alkalde dahil lumalabas na hindi man lamang ito naidepensa mula sa mga nanambang sa kaniya.
Sinabi naman ni PNP OIC chief Lt. Gen. Archie Gamboa, kaniya nang inatasan ang binuong Special Investigation Task Group (SITG) na silipin ang kaugnayan ni Navarro sa organized crime syndicate na nasa likod umano ng panloloob sa J Center Mall sa Mandaue City kamakailan.
Bagama’t kabilang sa mga tinatawag na narco-politician si Navarro, inamin ng Pangulong Duterte na naging tagasuporta niya ito noong panahon ng halalan.
“The PNP respects the decision of the President and will comply with his order.
The PNP is ready to cooperate with the NBI to ensure impartial probe,” ani Brig. Gen. Banac.