Handa na umano ang PNP sa pagbibigay-seguridad sa mahigit 29-milyong mga estudyante na magbabalik-eskwela sa darating na pasukan sa Hunyo 4.
Ayon kay PNP chief Oscar Albayalde, naglabas na umano ito ng operational guidelines na susundin ng mga pulis para sa kanilang “Ligtas Balik Eskwela 2018.”
Tiniyak ni Albayalde na lahat ng police personnel at kanilang mga resources ay pakikilusin matiyak lamang ang peace and order at kaligtasan ang mga estudyante.
Ipina-uubaya na rin ni Albayalde sa mga regional police directors ang pagtaas ng alert level sa kanilang mga lugar kung kinakailangan.
Bilin ni Albayalde sa mga pulis, tiyaking hindi mamamayagpag ang mga kriminal kaya pinatututukan nito ang mga street-level crimes at ang drug trafficking.
Bukod sa mga paaralan, may security plan din ang PNP na ipinapatupad sa lahat ng mga terminal ng bus, airport at seaport dahil inaasahan na naman ang bulto ng mga pasahero mula sa iba’t ibang probinsiya na nag-aaral sa Metro Manila.
Sa kabilang dako, tiniyak ni Albayalde na kayang-kaya na ng Marawi PNP na magbigay-seguridad sa mga eskwelahan kung saan nasa 47 umanong mga paaralan ang magbubukas sa pasukan.
Ayon sa heneral, nagpadala na sila ng augmentation force para sa Marawi Police station.
Noong nakaraang linggo, sinabi ng PNP na may mga bagong kagamitan, sasakyan, communication equipment ang kanilang ipinadala na siyang gagamitin ng Marawi Police office.
Pinawi naman ni Albayalde ang pangamba na posibleng gamitin ng mga teroristang Maute-ISIS ang pagbaballik-eskwela sa kanilang panghihikayat ng mga bagong miyembro.
Sinabi ni PNP chief, malabong makapag-recruit ang teroristang grupo sa lungsod dahil buhos ang tropa ng pamahalaan sa lugar.