Inatasan ni PNP Officer In Charge Lt. Gen. Guillermo Eleazar ang PNP Health Service na magsagawa ng agresibong contact tracing matapos na mag-positibo kahapon sa Covid 19 si PNP Chief PGen. Debold Sinas.
Lahat aniya ng mga indibidwal na nagkaroon ng contact kay Gen. Sinas sa mga lugar na pinuntahan niya mula Marso 9 hanggang Marso 11 ay kinakailangang matukoy at maisailalim sa Health assesment.
Maging ang mga miyembro ng media na nakasama ni Gen. Sinas sa aktibidad sa Camp Crame noong Miyerkules, Marso 10, ay kasama sa mga kailangang suriin.
Ang mga contacts ay klasipikado bilang low risk, o yung mga sumunod sa health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at faceshield noong panahon na nakasama nila ang isang Covid-positive na pasyente; at yung mga high risk, o hindi sumunod.
Ang mga klasipikado ng high-risk ay kinakailangang mag-report sa quarantine facility ng PNP, at makakalabas lang pagkatapos na ma-clear ng Health personnel.
Ang mga low-risk naman ay papayagan na mag-report sa kani-kanilang unit upang obserbahan ng kanilang respective health units, sa kondisyon na obserbahan nila ang minimum health protocols.