ILOILO CITY – Iniimbestigahan na ng Police Regional Office (PRO)-6 ang umano’y panggugulpi ng mga miyembro ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) at Municipal Drug Enforcement Unit (MDEU) sa dalawang subject ng drug buy bust operation sa Brgy. San Angel, San Jose, Antique.
Ang subject ng buy bust operation ay si Raymond Juala, 28-anyos, ng Barangay 5, San Jose, Antique at nahuli rin ang mga kasamahan nito na sina Ariel Velasco at Zyra Jane Gonzaga.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay P/Lt. Col. Joem Malong, tagapagsalita ng PRO-6, sinabi nito na nakadepende sa kanilang imbestigasyon kung ang Regional Internal Affairs Service (RIAS) o ang Regional Investigation and Detective Management Division (RIDMD) ang hahawak sa nasabing kaso.
Aniya, bukas naman ang PRO-6 sa maging desisyon ng dalawang lalaki na maghain ng kaso laban sa mga otoridad.
Nauna nang inihayag ni Juala na habang nagmamaneho ito ng kanyang motorsiklo angkas sina Velasco at Gonzaga, bigla na lang silang hinarangan ng mga operating team.
Pinadapa, tinadyakan sa mukha at pinagsasaktan daw sila ni Velasco samantala nakaposas naman si Gonzaga.
Maliban sa pananakit, inakusahan din ni Juala ang mga otoridad na mayroong inilagay na sachet sa kanyang bulsa.
Nakuha sa mga arestado ang .38 caliber pistol, 7 sachet ng suspected shabu at P700 na buy bust money.