Halos isang taon bago ang nakatakdang 2025 Midterm Elections, naghahanda na umano ang Philippine National Police (PNP) para sa pagbibigay seguridad.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil, unang kailangan nilang paghandaan ay ang pagsisimula ng paghahain ng kandidatura sa buwan ng Oktubre.
Unti-unti na aniyang binubuo at isinasapinal ang mga plano ukol dito.
Pangalawa ay ang paglansag sa mga Private Armed Group (PAG) na posibleng magamit sa panahon ng kampanya, posibleng pagkalat ng mga baril na walang kaukulang lisensya, at ang pagpigil sa paggalaw ng mga sindikato ng iligal na droga.
Ayon sa heneral, inatasan na niya ang mga ground commander upang palakasin ang ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at bantayan ang mga lugar na maituturing bilang mga hotspot areas.
Katulad ng dating ginagawa, muli rin aniyang magdaragdag ang PNP ng mga pulis sa mga lugar na matutukoy bilang election areas of concern.
Kayat mainam aniya na habang maaga pa ay nakabantay na ang kapulisan sa sitwasyon sa kani-kanilang mga lugar.