Magpapakalat ang Philippine National Police (PNP) ng mga social distancing patrollers sa mga places of convergence para matiyak na mahigpit pa rin nasusunod ang health protocol sa COVID-19 lalo na ngayon na madami na ang inaasahang magbubukas na mga establisyemiyento ngayong pasko.
Ayon kay PNP chief Gen. Debold Sinas, bitbit ng mga social distancing patrollers ang kanilang mga batuta at knight sticks sa pagpapatrolya.
Huhulihin pa rin ang mga lumalabag sa quarantine health protocols.
Mahigpit din ang bilin ni Sinas sa mga pulis na magpapatrolya na kung sisitahin ng mga ito ang mga tao dapat walang physical contacts para maiwasan na magkahawaan.
Partikular na ipapakalat ang mga police social distancing patrollers sa mga pamilihan gaya ng Divisoria, palengke, malls, simbahan, MRT, LRT sa mga bus terminal, paliparan at iba pang mga lugar kung saan asahan na mag kumpul kumpulan ang mga tao.
Kinumpirma rin ni Sinas na nasa full alert status ang PNP ngayong holiday season kahit nasa COVID-19 pandemic pa rin ang bansa.
Layon nito para mapanatili ang kapayapaan at walang mga unscrupulous individuals o grupo na mag take advantage sa sitwasyon ngayong pasko at bagong taon.
Samantala, pag-uusapan pa ng PNP Command Group kung magkakaroon din ng holiday break ang mga pulis sa pasko at bagong taon.
Ayon kay Sinas, nakadepende sa magiging resulta ng kanilang pulong kung magkakaroon ng holiday break ang mga pulis.
Siniguro rin ng heneral na natutupad ang regular shifting ng mga duties ng kapulisan para matiyak na may sapat din na pahinga ang mga ito mula sa kanilang mga duties.
Ang NCRPO ay magde-deploy ng nasa 10,000 police personnel sa kalakhang Maynila para matiyak ang peace and order.