BACOLOD CITY – Pinayuhan ng bagong spokesperson ng Philippine National Police (PNP) ang mga public information officer ng lahat ng police stations sa bansa na maging disiplinado at visible upang makuha ang respeto ng publiko.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Col. Roderick Augustus Alba na tubong Bacolod City, aminado itong challenging ang kanyang trabaho bilang tagapagsalita ng PNP, palit kay Police Brig. Gen. Rolando Olay.
Aniya, dalawa ang kanyang tungkulin dahil maliban sa pagiging pinuno ng public information office, siya rin ang mukha at tinig ng halos 220,000 na PNP personnel.
Si Alba ay bahagi ng PNPA Class of 1992.
Bago siya in-assign bilang PNP spokesperson, si Alba ang nagsilbi sa Information Technology Management Service.
Nagsimula ito sa Bacolod City Police Office kung saan naging station commander ito ng Bacolod Police Station 1 at Station 6.
Na-assign din ito sa Negros Occidental Police Provincial Office kung saan naging chief of police ito ng Kabankalan at Silay, naging Deputy Provincial Director for Administration at naging officer-in-charge ng Negros Occidental Police Provincial Office (NOCPPO).
Nakasama rin ito sa United Nations Peace Keeping Mission sa East Timor noong taong 2012.
Aminado si Alba na malaki ang kanyang tungkulin dahil kailangan itong available sa lahat ng oras kaya’t dapat ingatan nito ang kanyang kalusugan.
Umaasa naman itong maging inspirasyon sa iang police officers at maging role model sa komunidad.