Pinaalalahan ni PNP (Philippine National Police) Chief P/Gen. Dionardo Carlos ang mga dadalo sa tradisyunal na Simbang Gabi na magsisimula na ngayong Disyembre 15.
Ayon sa PNP Chief, magiging hamon para sa simbahan, mga pulis, lokal na pamahalaan, at mga health authorities ang patuloy na pagpapatupad ng minimum public health standards upang hindi makasagabal sa pagdiriwang ng Pasko.
Kaugnay nito, inatasan niya ang mga PNP line Units na magsagawa ng kaukulang adjustments sa kanilang mga patrol, dahil sa pagdami ng mga aktibidad sa gabi kasama na ang Misa de Gallo at pinalawig na oras sa mga mall.
Sinabi ng PNP Chief na aasahan na ng publiko ang dagdag na presensiya ng mga pulis sa mga simbahan at iba pang pampublikong lugar ngayong holiday season bilang pangontra sa masasamang elemento at matiyak ang patuloy na pagsunod ng mga mamayan sa health protocols.
“The public should not be alarmed when they see police mobile units with flashing blinkers to announce their presence. It only means that your PNP is just around and ready to extend assistance when needed,” pahayag ni Gen. Carlos.
Istrikto aniyang ipapatupad ang 70 porsyento lamang na occupancy rate sa mga simbahan sa ilalim ng Alert Level 2.
Ang misa ngayong unang gabi ng Misa de Gallo ay “anticipated mass” para sa December 16 ng madaling araw.