-- Advertisements --

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang suporta sa iba pang ahensya ng pamahalaan sa pagpapatrolya sa West Philippine Sea.

Ayon kay PNP chief Gen Guillermo Eleazar, nakahanda ang PNP Maritime Group upang tulungan ang Phil. Coast Guard at BFAR sa pagpapatrolya sa West Philippine Sea upang maprotektahan ang ating Exclusive Economic Zone (EEZ).

“The PNP, specifically the Maritime Group, is ready to provide assistance and augment personnel from the PCG and BFAR in enforcing maritime laws on the West Philippine Sea and our Exclusive Economic Zone,” wika ni Gen. Eleazar.

Sinabi ni Eleazar, na sila ay nakikipag-ugnayan sa National Task Force for the West Philippine Sea, PCG at BFAR kung ano ang mafiging papel ng PNP Maritime Group.

Aminado ang heneral na limitado lamang ang kanilang mga kagamitan ngunit sa maliit na paraan ay makatutulong ang kanilang hanay sa pagbabantay sa teritoryo ng bansa.

“Despite our limitations when it comes to resources, we will make sure that it will not discourage and prevent us from asserting and fighting for what is ours,” pahayag pa ni PNP chief.

Naniniwala si Eleazar na kung mas marami ang puwersa ng Pilipinas sa West Philippine Sea ay maipakikita natin na atin ang nasabing lugar at atin itong ipinaglalaban.

“Malaki na po ang magagawa ng sama-sama nating presensya. Maganda po na mas maraming awtoridad ang nandoon para maipakita natin na nagkakaisa tayo at pinaglalaban ang ating karapatan sa West Philippine Sea,” dagdag pa ni Eleazar.