Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang mga ipinapatupad na campaign caravan restrictions ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong panahon ng kampanya para sa darating na halalan.
Batay kasi sa mga alituntunin na ipinapatupad ng MMDA ay pinapahintulutan lamang ang pangangampanya sa mga pangunahing lansangan tuwing weekends.
Sa isang statement ay sinabi ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos na ang naturang hakbang ng MMDA ay magiging praktikal dahil magiging kaunti na lamang ang dami ng mga sasakyang nasa lansangan.
Makakatulong kasi aniya ito sa mga yunit ng pulisya upang matiyak na magiging maayos ang daloy ng trapiko sa mga kalsada.
Samantala, ipinaalala din ng hepe sa mga kandidato na kumuha ngmga kinakailangang permit mula sa mga kinauukulang LGU kung ninanais ng mga ito na magsagawa ng motorcade o caravan.