Suportado ni PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa ang rekomendasyon ni Phil. Army commanding general Lt. Gen. Cirilito Sobejana na isailalim sa Martial Law ang lalawigan ng Sulu, kasunod ng kambal na pagsabog sa Jolo nitong nakalipas na Lunes.
Sinabi ni Gamboa na ang nasabing hakbang ay magbibigay ng “operational flexibility” sa pulis at militar para magsagawa ng law enforcement operations laban sa mga “threat groups” sa lalawigan lalo na sa mga teroristang Abu Sayyaf.
Sa ngayon hindi pa nakakapagsumite si Sobejana ng kaniyang rekomendasyon.
Aniya ikukunsulta muna niya ito sa kanilang legal department bago ipasa ang kanyang rekomendasyon kay AFP chief of staff Lt. Gen. Gilbert Gapay at Defense Secretary Delfin Lorenzana para maiparating sa Pangulong Duterte.
Sa kabilang dako, pinag-aaralan na rin sa ngayon ng PNP kung ano ang “signature” ng IED na ginamit sa dalawang magkasunod na pagsabog na naganap sa Jolo para matukoy ang grupong responsable sa naturang insidente.
Pina-mobilize na rin ni Gamboa ang Philippine Bomb Data Center (PBDC) at Crime Laboratory para magbigay ng technical support sa patuloy na imbestigasyon sa magkasunod na pagsabog.
Sinabi ni Gamboa, may database ang PBDC ng iba’t ibang klaseng pampasabog na ginamit sa mga nakalipas na insidente.
Sa oras na madetermina ang bomb signature base sa reconstruction ng forensic evidence, maaari itong ikumpara sa database para malaman kung sino ang gumawa ng bomba.
Una nang inihayag ng militar na ang Abu Sayyaf ang kanilang prime suspek sa pambobomba.