Umaasa ang Laguna Police Provincial Office na mahuhuli nila sa lalong madaling panahon ang suspek na pumatay sa isang Grade 7 student sa loob mismo ng paaralan sa Calamba, Laguna kahapon.
Ayon kay Laguna Police Provincial Director, P/Col. Eleazar Matta, magiging susi ang suspek na si Renz Ivan Balderama upang mabigyang-linaw ang ilang malalabong mga detalye sa pagpatay sa estudyanteng si Mark Anthony Miranda.
Ilan sa mga inaalam ngayon ng pulisya ay kung papaano umano nagkaroon ng relasyon ang biktima at suspek.
Sa kasalukuyan ay puspusan ang pagtugis ng dalawang grupo ng mga pulis sa suspek na si Balderama na nagtatrabaho bilang security guard sa isang spa.
Sinabi naman ni P/ Lt. Col. Jacinto Malinao, hepe ng Calamba Police, selos ang tinitingnan nilang anggulo sa pagpatay kay Miranda.
Ayon sa ulat, inabangan ng suspek sa loob ng silid-aralan ang 15-anyos na biktima na si Mark Anthony at saka ito binaril.
Naisugod pa sa pagamutan si Miranda ngunit sumakabilang-buhay ito dakong alas-4:09 ng hapon dahil sa tama ng bala sa ulo.
Sa ngayon, nakaburol na ang labi ni Miranda sa kanilang tahanan sa Barangay Pansol.