Susuriin umano ng Philippine National Police (PNP) ang mga umano’y ulat na sasabotahe sa pagsasagawa ng halalan sa Mayo 9 gaya ng iginiit ng apat na kandidato sa pagkapangulo.
Sinabi ni PNP chief General Dionardo Carlos na wala pa silang na-encounter na ganoong ulat sa ngayon, ngunit nangakong kukunin ang mga detalye mula kay Senator Panfilo Lacson, isa sa mga kandidato sa pagkapangulo na nagpahayag ng diumano’y pakana.
Magugunitang si Lacson kasama ang mga kapwa mga kandidato sa pagka-presidente na si Manila Mayor Isko Moreno at dating National Security Adviser Norberto Gonzales ay nagbabala sa posibleng pagtatangka na gagawing i-destabilize ang halalan sa Mayo 9 sa ginanap na joint press conference nitong nakalipas na Linggo.
Gayunman, inamin ni Lacson na hindi pa nila na-validate ang mga ulat.
Sa magkasanib na pahayag na nilagdaan ng tatlong kandidato at isa pang presidential bet na si Senator Manny Pacquiao, nangako sila na “lalabanan ang anumang pagtatangka na sirain ang tunay na kalooban ng mga tao sa pamamagitan ng preemptive maneuvers o kung hindi man ay limitahan ang kanilang mga pagpipilian.”