KIDAPAWAN CITY -Tiyak na mas lalakas pa ngayon ang kakayahan ng mga miyembro ng Special Weapons and Tactics o SWAT Team ng Kidapawan City Police Station matapos nilang matanggap ang ilang mga high-powered firearms at makabagong kagamitan para sa police operations at sa paglilingkod at pagbibigay ng proteksyon sa mga mamamayan.
Ito ay matapos ang Turn-over ang SWAT Equipment na ginanap sa Kidapawan City Police Station kung saan dumalo sina Police Regional Office o PRO12 Regional Director Brigadier General Alexander C. Tagum at City Mayor Joseph Evangelista.
Kabilang sa mga tinanggap ng Kidapawan SWAT ang 12 Galil Ace Assault Rifles na mula sa PRO12; at 12 Tactical Vests, 12 Kevlar Ballistic Helmets, 20 Handheld Radios at 2 Mepro Light Night Sights na mula naman sa pondo ng City Government of Kidapawan.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Mayor Evangelista si BGen Tagum sa pagbibigay ng malaking suporta sa SWAT na magbibigay daan naman sa mas pinalakas na kampanya laban sa kriminalidad lalo na sa kasalukuyan kung saan may mga banta ng terorismo sa iba’t-ibang bahagi ng North Cotabato.
Hinamon ng alkalde ang mga SWAT at buong kapulisan ng Kidapawan na gawin ang lahat ng makakaya upang hindi magtagumpay ang mga masasamang loob sa hangaring makapaminsala ng tao at ari-arian.
“Kailangan natin panatilihin ang katahimikan sa lungsod at ipakita sa ating mga mamamayan na ginagawa ng local police ang lahat ng makakaya nito upang maging ligtas ang bawat isa”, ayon kay Mayor Evangelista.
Sinabi din ng alkalde na ang naturang pamamahagi ng mga high-powered firearms kasama na ang iba pang gamit para sa SWAT ay resulta ng matibay na koordinasyon sa pagitan ng City Government of Kidapawan at ng PRO12.
Ipinag-utos naman ni BGen Tagum sa mga SWAT na gawin ang lahat ng makakaya upang proteksyunan ang mga sibilyan laban sa karahasan at tiyaking hindi magtatagumpay ang sinumang nagbabalak ng masama sa Lungsod ng Kidapawan.
“Bilang mga miyembro ng SWAT, inaasahan ko ang inyong dedikasyon at sinseridad sa pagganap ng inyong tungkulin at sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga Kidapaweno. Ipakita ninyo na kayo ay magandang halimbawa sa lipunan at gawin ang responsibilidad ng walang pag-aalinlangan”, ayon kay BGen Tagum.
Ginanap din ang ceremonial turn-over at signing ng mga armas at kagamitan sa pagitan nina Bgen Tagum, Mayor Evangelista, City Acting Chief of Police Major Peter Pinalgan at mga SWAT.
Dumalo din sa aktibidad ang bagong upong Provincial Director ng Cotabato Police Provincial Officeo CPPO na si Police Colonel Harold S. Ramos, City Deputy COP Major Andres Sumugat, Fr. Ian Jetro L. Sasi, DCK, at Fr. Desiderio Balatero, DCK na siyang nagsagawa ng blessing sa mga armas at gamit; at iba pang mga personnel mula sa PROP12, CPPO, at City Police Station.