Kinikilala ng PNP ang naging ulat ng Commission on Audit (COA) na bigo nilang maabot ang kanilang target sa pag-aresto sa mga most wanted persons at high value targets.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PNP Spokesperson P/Col. Bernard Banac, inamin nito na sila ay nagkulang kung kaya’t hindi nila naabot ang kanilang target.
Ito umano ay dahil na rin sa ilang mga kadahilanan, gaya ng kakulangan ng kanilang puwersa at pagtutok sa iba’t ibang kampanya gaya sa iligal na droga, anti-criminality operations, kampanya kontra loose firearms, kidnapping, illegal fishing at iba pang law enforcement operations.
Bukod dito, naging maaga rin daw ang paghahanda ng PNP sa 2019 midterm elections.
Sinabi ni Banac, 2018 nagsimula nang maghanda ang PNP sa halalan kaya hindi natututukan ang pag-aresto sa mga most wanted persons sa bansa.
Aniya, malaking hamon din sa PNP ang naging ulat ng COA sa hindi nila pag-abot sa kanilang target noong nakaraang taon kaya lalo pa nilang pag-iibayuhin ang kanilang kampanya laban sa mga most wanted persons nang sa gayon hindi na sila masita pa ng COA.
Batay kasi sa ulat ng COA, lumalabas na 19.37% lang ang bilang ng mga most wanted at high value target ang naaresto ng PNP noong 2018, gayong 51.57 percent ang target nito.
“There are many factors involved of course yung multifarious task ng PNP of course yung mandate nito na napaka lawak, of course definitely hindi ito ang mga justifications for failure to meet the target,” ani Banac.
Binigyang-diin naman ni Banac na bagamat hindi nila na meet ang kanilang target hindi ibig sabihin na walang accomplishments ang PNP..