Nakatakdang magtungo sa Kampo Crame si Ozamiz chief of police, Chief Inspector Jovie Espenido para kausapin at isailalim sa interogasyon si dating Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog na kababalik lamang ng bansa noong Biyernes ng gabi mula sa Taiwan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Espenido kaniyang sinabi na marami pa silang dapat makuhang impormasyon kay Ardot.
Una nang sinabi ng PNP na tukoy na rin nila kung sinu-sino ang mga tumulong para makatakas si Ardot.
Subalit tumanggi si Espenido na banggitin ang mga ito dahil may “ongoing case build up” na raw para sa mga nasabing indibidwal.
Magugunitang si Espenido ang nanguna sa iinagasang operasyon para lusubin ang bahay ng namayapang Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog na naging daan sa pagkaaresto rin kay Vice Mayor Nova Parojinog at sa kapatid nitong si Reynaldo Jr.
Ibinunyag ni Espenido parte rin umano ang Ozamiz PNP sa pag-aresto kay Ardot sa pamamagitan ng impormasyon na kanilang ibinigay.
Inihayag ng opisyal na malalaman din nito kung nagsasabi nga ng totoo si Ardot o kung na “i-screen” na ito.
Ibig sabihin kung may kumausap na sa konsehal para kung may magtatanong alam na niya ang kaniyang sasabihin.
Ang Ozamiz PNP ang siyang magsasampa ng kaso laban kay Ardot kaya kailangan ng opisyal na makausap at makakuha ng impormasyon sa konsehal.
Samantala, target maaresto ng Ozamiz PNP ang kapatid na babae ni Ardot at ang mister nito sina Daisy Parojinog Salas at mister na si Artemio Salas na siyang security officer ng namayapang alkalde.
Bukod sa mag-asawa, kanila ring tinutugis ang lima pang hitmen daw ng Parojinog drug group.
Aminado si Espenido na malaki pa rin ang impluwensiya ng mga ito.
Pero ipinagmalaki naman ni Espenido na humina na ang bentahan ng iligal na droga sa Ozamiz City.