-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Bumuo na ng Task Force Concepcion ang PNP Region 1 para sa malalimang imbestigasyon kaugnay sa naganap na pananambang sa isang miyembro ng sangguniang bayan ng Balaoan, sa lalawigan ng La Union na ikinasugat nito at ng apat na iba pa.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Lt. Col. Mary Crystal Peralta, tagapagsalita ng PNP Region 1, ito’y upang matutukan ang nangyaring pananambang sa convoy ni Sangguniang Bayan Member Rogelio Concepcion na ikinasugat nito at apat pa niyang kasamahan.

Hinihiling naman ng PNP ang kooperasyon ng publiko lalo na sa mga nakakita sa insedente.

Matatandaang alas-8:18 kagabi habang binabagtas ang kahabaan ng Brgy. Nagsabaran Norte, Balaoan ay pinagbabaril ang sasakyan ni Concepcion.

Agad na dinala sa pinakamalapit na pagamutan ang mga biktima habang si Conception ay inilipat sa mas malaking ospital dahil sa pinsalang tinamo nito.