Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na sila ay tatalima sa naging kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte na sirain ang mga nakumpiskang mga iligal na droga sa mga ikinasang operasyon sa loob ng isang linggo.
Ayon kay PNP spokesperson Col.Ysmael Yu tama lamang ang naging pahayag ng Pangulo, ito’y para maiwasan ang pag-recycle sa mga nakumpiskang iligal na droga kapag nagtagal pa sa kamay ng mga otoridad.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Yu, sinabi nito na may sinusunod na criminal procedures ang PNP dahil ginagamit ang mga shabu na nakukumpiska bilang ebidensya sa kaso.
Aniya, layon ng mga pulis na manalo sa kaso laban sa mga nahuhuli nito sa operasyon.
Matatandaan na nito lamang weekend, nasa P4 million halaga ng shabu ang nakumpiska sa buy-bust operation sa Caloocan City.
Habang nito namang katapusan ng Setyembre ay mayroong P24 million na halaga ng shabu na nakumpiska sa Bacolod City.
Samantala, tiniyak ni PNP chief Gen. Camilo Cascolan na kaisa ang Philippine National Police (PNP) sa hangarin ni Pangulong Rodrigo Duterte na sunugin na ang mga mga iligal na droga na nakumpiska sa anti-drug operation.
Ayon kay Cascolan, sang ayon siya at napapanahon ang atas ng Pangulo.
Agad aniyang iutos sa kaniyang mga tauhan para magsagawa ng sa imbentaryo sa mga nakumpiskang iligal na droga.
Siniguro ni Cascolan na ang mga gagawin nilang hakbang ay alinsunod sa batas.