Pina-iimbestigahan na ni PNP Chief PDGen. Oscar Albayalde ang insidenteng pananambang sa Bicol region na kinasasangkutan ng convoy ni Food and Drugs Administration (FDA) Administrator Nela Charade Puno na ikinasawi ng tatlong police escort habang apat ang sugatan.
Sa panayam kay PNP Chief, sinabi nito nais niyang mabatid kung nagkaroon ng intelligence failure sa hanay ng mga pulis na magbibigay seguridad sa isang VIP.
Dahil sa insidente, pinasisiguro ni Albayalde sa mga police commanders na maging maingat at palakasin ang intelligence gathering.
Dagdag pa ni Albayalde, posibleng nag-leak o kumalat ang impormasyon na may VIP na binabantayan ang mga pulis kaya naglakas loob ang mga komunista na iparamdam ang kanilang presensya sa lugar.
Paliwanag pa nito, baka ‘complacent’ o kampante na ang mga pulis doon dahil hindi bihira lang sa kanila ang insidente ng ambush lalo pa sa mga VIP.
Hindi naman masabi ng hepe ng PNP kung si Puno talaga ang target ng ambush dahil posibleng pang aagaw lang ng armas ang nais ng mga suspek.
Sa nangyaring ambush 3 pulis ang nasawi habang 3 namang pulis ang sugatan.
Naniniwala si Albayalde na nais lamang ipakita ng komunistang grupo na malakas pa ang kanilang pwersa sa Bicol region.